Preso

Kakaiba ang langit ngayon. Mukhang mabigat. Parang uulan dahil napansin kong medyo dumidilim na.

Isa nanamang araw ang malapit nang matapos. Tantya ko mga alas kwatro na ng hapon. Ang mga kasama ko dito sa loob ay medyo gutom na rin gawa ng mag hapon kaming pinag trabaho sa labas. Napakainit kanina. Ewan ko lang ngayon kung bakit biglang umulan na.

Lumamig ang sementong kinaauupuan ko. Kinailangan ko pa tuloy ilatag ang mga karton sa isang sulok at dun na mahiga. Gusto ko sanang magpahinga dahil napaka sakit ng likod ko kakatibag ng bato sa labas at dahil na rin siguro sa katandaan. Marami kami dito sa maliit na seldang ito. Magkakaiba ng kwento. Iba’t ibang tao.

Napakaingay. Naglalaro sila ng baraha. Ang iba’y natutulog na at ang isa ay nakatulala lamang. Malalim ang iniisip. Nilapitan ko sya at nalaman kong bagong pasok lang sya. Mukhang bata. Tinanong ko kung ano ang kasalanan nya. Bigla siyang yumuko. Ang tanging narinig ko lamang ay mahihinang hikbi. Hindi ko na sya kinausap pa. Hinayaan ko muna siyang magkaroon ng sariling oras.

Matagal na ako dito sa kulungan. Di ko na mabilang pero ang alam ko mag dadalawampu’t isa na sa Pasko. Noong unang gabi ko dito, hindi ako nakatulog. Dasal ako nang dasal na sana’y mapawalang bisa ang hatol ng korte. Inosente ako. Hindi ko pinatay ang batang iyon. Alam ko sa sarili ko, wala akong ginawang masama.

Maulan din noon nang umagang iyon nang ihatid ko si Anna. Nag seservice siya sa tricycle ko tuwing umaga. Para ko na rin siyang anak. Sa katunayan, kalaro niya ang mga anak ko. Kinahapunan, biglang nag sulputan ang mga pulis sa bahay. Ang sabi nila, hindi raw nakapasok si Anna sa eskwelahan at hindi na rin nakauwi. Bigla akong kinabahan. Ang alam ko, pumasok si Anna. Nag paliwanag ako sa mga pulis. Ngunit, para silang bingi at agad akong pinosasan. Ang bintang ng nanay ni Anna, iniligaw ko daw ang bata, ni-rape at pinatay. Nakita daw nila ang katawan ng bata sa isang damuhan malapit sa simbahan. Parang gumuho ang paligid ko nang mga oras na iyon. Hindi ko alam ang mga sumunod na pangyayari. Ang tangi kong natatandaan ay ang mga mukha ng mga anak ko. Maliliit pa sila Jepoy at Lisa. Ang asawa ko naman ay walang nagawa at biglang umiyak kasabay ng pag iyak ng ni Lisa. Siguro ay takang-taka din siya sa mga nangyayari.

Ang mga sumunod na araw ay napakahirap para sa akin. Dahil sa kahirapan, walang gustong maging abugado ko. Bawat sesyon sa korte, puro panduduro ang nakamit ko. Minura, sinampal at sinuntok nila ako sa harap ng kung sino-sino. Naglabas sila ng mga ebidensyang hindi ko alam kung totoo. Wala akong nagawa. Nahatulan ako ng pang habang buhay na pagkabilanggo.

Masakit ang mawalay sa pamilya ko. Walang oras na hindi ko sila naaalala. Pilit kong iniisip kung ano ang nagawa kong kasalanan pero alam kong inosente ako. Ang tanging hanggad ko lamang ay makapag trabaho gamit ang tricycle. Gusto ko lang mag trabaho para may pagkain ang mga anak ko.

Nung mga unang buwan, tuwing lingo, binibisita ako ng pamilya ko. Halata sa kanilang mata ang pag aalala sa sitwasyon ko pero pinilit ko paring kumbinsihin sila na maayos ang lagay ko dito sa loob. At tuwing pag-alis nila, naiiyak na lang ako sa sulok. Napakasakit isipin na hindi ko magagabayan ang pamilya ko dahil sa kasalanang ito.

Parang hindi tao ang trato sa amin dito sa loob. Kung maaari lamang, ayoko nang kumain. Para bang walang malinis na pagkain ang inihain sa amin simula’t sapul. Pero ako din ang magugutom kung hindi ko to kakainin.

Nagdaan ang ilang buwan, bihira nang bumisita ang pamila ko. Nung una, inisip ko lamang wala silang pamasahe papunta dito o kaya naman, may problema din sila. Pero pagkatapos ng isang taon, wala nag bumisita sa akin. Siguro, gusto na rin nila akong kalimutang tuluyan.

Ang tanging binibilang ko lamang ay ang Pasko. Pero dito, parang wala lang ding nagyayari. Mistulang ordinaryong araw lamang. Bihira lang ang ngumingiti. Parang tipid ang mga salita dahil may kanya kanyang problema.

Dalawanmput isang taon na ang nakakalipas pero nagtitiis pa rin ako sa maliit na seldang ito.

Nabigla na lang ako nang may kumalampag sa rehas. Pinapatawag daw ako.

Agad akong pumunta sa isang kwarto. Doon, maligayang binati ako. Sabi nila, makakalaya na daw ako sa isang linggo. Nabigla ako. Parang may tumusok sa puso ko. Nahuli daw ang totoong pumatay kay Anna. Isang lasinggero na tumambay sa tindahan malapit sa eskwelahan ni Anna.

Malaya ka na! Sabi nila.

Hindi ko alam kung kailangan kong maging masaya. Oo, makakaalis na ko sa presong ito pero saan ako pupunta? Marahil, may sarili nang buhay ang mga anak ko at wala na rin akong balita sa kanila. Kailangan ko bang maging masaya? Bukas ang ika dalawampu’t isang pasko dito.

Dalawampu’t isang taon akong nawalan ng saysay, nakalimutan at kinamuhian dahil sa krimeng hindi ko ginawa. Kailangan ba akong maging masaya?

Pagtapak ko sa labas sa unang pagkakataon, kakaiba ang langit. Mukhang mabigat. Parang uulan dahil napansin kong medyo dumidilim na. At bigla na lang bumuhos ang ulan. Hinayaan ko na lang itong dumaloy kasama ang mga luha ko.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s