The Sequel of Preso

 

Hindi ko na inaasahan pang gaganda ang buhay ko.

 

Sa dami ba namang problema ang dumating sa aming pamilya, kasama na ang pagkamatay ni nanay, tatangkain ko pa bang mangarap? Minsan gusto ko nang sumuko sa lahat ng problema pero kahit papano naman, meron pa rin akong bait sa sarili.

 

Ako si Lisa. Lizzy pagdating ng gabi. Kilala na ko dito bilang bugaw. Prosti. Pokpok. Hindi ko ito ginusto. Sino bang gustong makipag landian sa mga taong hindi mo naman kilala? Katulad ng mga ordinaryong babae, ang gusto ko lang makapag suot ng simpleng t-shirt at pantalon. Pero sa trabahong pinasukan ko, mamamatay ka sa gutom kung ganun ang porma mo dahil walang papansin sayo. Maging clown ka na sa make up mapansin ka lang. Kahit kanino ka magtanong, kilala na nila ako dito. Eh sa kahit saang kanto ba naman ng iskwater na ito, naghahanap ako ng customer magkaron lang ng pera para may ihain sa mesa. Kailangan talaga eh. Tsaka, madami din naman kaming gumagawa nito. Minsan pa nga palitan ng customer.

 

Di ko totoong kapatid sina Meriam, Andy at Ruth. Anak sila ni nanay sa pangalawang asawa. Si Kuya Jepoy lang ang kapatid ko kaso namatay siya limang taon nang nakakalipas. Sa dumi ba naman ng estero namin dito malamang magkakalamok talaga ang bawat sulok ng bahay namin. Ayun, na dengue at sa kawalan ng pera, hindi na namin sya napagamot pa. Ewan ko ba kay nanay bakit pa naisipang mag-asawa ulit eh ang hirap hirap na ng buhay namin. At sa kasamaang palad, iniwan na sa akin lahat ng responsibilidad sa mundo dahil ako na ang nagpapalaki ng tatlong kapatid ko.

 

Minsan, tinatanong nila ang trabaho ko. Noong una, gusto kong tumawa at itanong kung bakit nila ako tinatanong ng mga bagay na bagay tungkol sa trabaho ko o kung may balak ba silang sundan ang mga yapak na pinatunguhan ko. Ayoko ng awa mula sa kahit sino. Ayaw ko namang isipin nila na napakasama kong babae. Sa ganitong lipunan, kami ang mga anak ng lansangan kapag gabi, nabubuhay sa kasalanan, pinandidirihan. Ginagawa ko lang naman ito para mabuhay ko sila. Sapat na din na isipin nilang call center agent ako dahil tuwing gabi, nawawala ako at umaga na nauwi ng bahay.  Mas okay na siguro yon kesa naman hindi ko sila mapag aral, diba? Eh wala naman akong makuhang mabuting trabaho. Lahat sila hinahanapan ako ng diploma. Takte. Ang a-arte. Kala mo naman sa kompanya ako magtatrabaho.

 

Si Tatay. Musmos pa lang ako nang mawalay sya sa amin. Hindi ko na masyadong matandaan ang mga detayle noong nakulong sya pero ang naaalala ko mula noon, lugmok na ang pamilya namin. Bawat araw, gustuhin man naming bisitahin si Tatay, hindi naming magawa. Pinilit naming siyang piyansahan pero wala din pala kaming mapapala dahil malakas ang kampo ng mga biktima. Alam ko namang walang kasalanan si Tatay. Inosente sya at hindi niya magagawa yon. Pero sa mundong ito, ang mahirap, tuluyan nang nilalamon ng lupa. Ang walang pera dinuduro ng kung sino sino. Ang katulad naming mga mahihirap, tinitiis na lang ang pangungulila. At kung wala kang pera, talo ka.Noong mga panahong iyon, naaalala ko, pati kami nila nanay parang may atraso sa kanila. Pag tumingin ang mga kapitbahay namin sa amin, ulo hanggang paa. Halos patayin na kami sa tingin at sa mga tsismis.

 

Minsan, iniisip ko kung bakit ako binigyan ng ganitong problema. Gasgas na rin siguro ang dahilang, “Binigay yan dahil makakaya mo yan”. Tang ina.

 

Kung hindi lang nakulong si tatay at nawalan ako ng nanay at kapatid, hindi naman siguro mangyayari ito. Mag dadalawang taon ko na din tong ginagawa. Noong una, syempre, nakakasuka. kahit ako nandiri sa sarili ko, pero ilang panggagamit pa ng mga putanginang manyakis na naging cliente ko, nasanay na din ako. Lalo na yang mga koreanong yan. Maghubad ka lang, instant cash na! Pero syempre, hindi ko naman sila mamura-mura nang harap harapan. Kung nagkataon, wala akong kita. Puro iyak na lang ako pagkatapos. Nakakahiya.

 

Ang init ng tanghali ngayon. Sabayan pa ng nakakarinding boses ng mga videoke-han sa tapat. Panay kanta ng nakakabasag tengang love songs na pang 90’s ang rakrakan. An aga-aga, may tambay sa tapat ng mga tindahan at nag iinuman. Isa nanamang tipikal na araw sa Tondo.

 

Isang teks ang nareceive ko sa pipitsugin kong cellphone. Aba, may darating daw na mga kliyente mamaya. Ano nanaman kaya ang ipapagawa sa akin ng mga tang inang yon? Agad akong pumunta sa tindahan at bumili ng pang-tanghalia ng mga kapatid ko. Leche tong mga tambay na to. Kung ano ano ang sinasabi saken. Katanghaliang tapat, binubwisit ako.

 

Pag uwi ng bahay, agad ko nang binuksan ang corned beef na inutang ko sa tindahan at niluto. Papasok na kasi silang tatlo sa eskwela.

 

Pagsapit ng alas singko, nag simula na kong mag ayos.  Pulang lipstick, masmascara, sangkaterbang foundation, itim na panty at bra at fishnet stockings, stilettos ang patok sa mga customers. Pag ganun ang porma mo, kahit pangit ka pa, wala nang reklamong maririnig sa mga kliyente. Samahan pa ng sandamakmak na pabango. Ewan ko na lang kung hindi pa ako mapansin.

 

Mistulang party ang loob ng beerhouse na to. Kakaiba. Kailangan daw maging maganda ang impression ng mga koreano sa amin sabi ng amo namin. Well, gustong kumita ng madami. Ang mga hinayupak, dumating na. Agad silang sinalubong ng mga amo namin. At eto naman kaming mga tuta nila, pumipila sa bawat kliyente. Para bang nakikipag negosyo. Andun nang hipuan kami, hahalikan kahit hindi pa siguradong kukunin kame. At eto naman kaming mga gaga din, medyo nilalandi din sila. Syempre, may pagtawa at pag kurot ng konti para lang may customer.

 

Pero.. pero bakit bigla nang nagkakagulo? Bakit biglang may nagtatakbuhan? Bakit?!..

 

PULIS! 

 

Posas. Rehas. Maduduming pagkain. Iyan agad ang pumasok sa isip ko nang marinig ko ang salitang Raid na sinambit ng mga kasamahan ko. Agad kong kinuha ang tuwalya para naman matakpan ang katawan ko.

 

Nang biglang may kumuha ng kamay ko. Parak.

 

Naalala ko tuloy ang mga kapatid ko. Paano na sila? Ako na lang ang bumubuhay sa kanila. Paano sila kung walang magpapakain, mag papa baon sa eskwela? Lalaki din ba silang walang desenteng trabaho? Ano na lang ang iisipin nila kung malaman nila na napakadumi kong babae? Ano nang mangyayari sa kanila? Lalaki ba silang kinamumuhian ako?

 

Naramdaman ko na lang ang malamig na bakal na dumampi sa kamay ko. Samahan pa ng mga matang mapanuri.

 

Ang sabi sa balita, wala naman daw bagyo ngayon. Pero bakit may naramdaman akong hanging napakalamig? Bakit parang may mga patak ng ulan na bahagyang lumalakas?

 

Malamig. Tuluyan nang binura ng ulan ang mascara na pinag hirapan kong ilagay sa mata ko kanina.

 

Hindi ko na inaasahan pang gaganda ang buhay ko. Hindi na. Hindi na.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s